Tula sa Filipino


These are sample Filipino Poems of Geopoet.

Ang Mga Kuwento ng Pasko Noon at Ngayon


Ang pasko noon ay masaya
Puno ng regalo, pagkain at iba pa;
Ang liwanag ng krismas tri
Ay makislap at masagana
Kumukuti-kutitap sa bighani
At ligaya.

Ang pasko noon ay nakikita
Sa galaw at kilos at kislap ng mata
Malayo man ang kinaroroonan
Noon ay maligaya ka
May krismas kard kang nababasa
May nakaipit pang pera.

Ang pasko noon ay puno ng ngiti
Bata o matanda man
Ay napupuno ng mga baluti;
May mga laruang nakatatawa
Pinagkakaguluhan ng mga musmos na bata!
Magulang ay napipilitang bumili
Basta't may pera pa ang bulsa
At puwedeng ipanghaya.

Subalit…….

Ang pasko ngayon ay ibang-iba
Kukunti na ang nangangaroling
Ang mga kanta't tono ay masyadong luma pa;
Ang mga kinakanta ko noong araw
Ngayon ay may katuno pa
Naiiba nga lang ang tiyempo
At may halong pang-alaska.

Merong kantang balinsot at bali-bali
Sa tema't kulay na puno ng laswang nakabibighani;
May kantang paurong at sulong
Kahit matanda ay naiindak ng may paurong.
Sa pag-uwi ng bahay bukambibig ang dulot
Sa sayang minsan din lang dumaan at umabot.

Iba ngayon ang pasko, ika nga!
Ang kantang pasalita ay rap
Ang pabulahaw ay rock.
Ang kantang melodiya ay nakakaantok ang dulot
Ayaw ng mga tinedyer at bata dahil daw salot
Dahil ito'y wala na sa panahon kumbaga'y bulok!

Maraming pinagbago ang panahon
Ng saya't  masagana:
Ang pulubi ay kalat pa rin
Pero hindi na lumang saplot
Ang suot at porma;
Marumi man ang damit at mukhang kawawa
Tingnan mo't pag-uwi
Puno ng bisyo't tamad na pala-asa.

Iba talaga ngayon ang pasko
Ang misa de gallo ay nasa labas na!
Ang simbahang maliit noon
Ngayon ay ganun pa rin
Niluma na nang panahon
Ang dating mga tradisyon noon.

Kulang ang bata sa simbang gabi
Kulang na rin ang puto bungbong
Na manininda at instant na ang kape;
Ang tinapay na pandesal na noon ay malalaki
Ang piso mong binibili noon
Ngayon ay kakarampot na ang dami.

Kulang pa rin ang nagbibigay
Ng pang-aginaldong regalo:
Noon mura lang ang damit, Sapatos at iba pa;
Ngayon ang mga presyo
Ay matataas at mas doble pa.
Laruang pambata noon ay ginagawa
Sa kahoy at kawayan na inukit
Ngayon ay mga plastic na may tatak
Ng hapon at intsik.

Iba talaga noon at ngayon ang pasko,
Marami ang mga pagbabago:
Ang mga bata noon ay bawal manigarilyo
Pero ngayon ay mas grabe
Tinalo pa ang tatay sa pagkasanggano.

Ang pasko talaga noon ay iba ngayon
Ang mga bata noon ay matatanda na ngayon;
Lilipas man at mawala ang saya noon
May kapalit na bago
Na itinatakda na ng bawat panahon. 

 
Ang Aking Kaalaman

Sa aking paglalakbay
Sa malayo't madilim na kalawakan
Pilit bumalik ang kaluluwa
Sa katawang-lupa kong iniwanan.
Pilit kong binagtas ang kawalan
Ang layo't labis na nahirapan:
Ang buhay sa mundo
gusto kong balikan.

Ang bakas ng nakaraan
Na nakaukit sa aking isipan,
Hindi nawawala sa budhi't
Pagsisisi ko'y lubos at sala'y
Pinagdusahan;
Hindi ko naisipan noon:
Ang kahalagahan ng buhay
Ngayong pumanaw sa mundo
Labis akong nanghihinayang.

Noon…Sa aking pakikibaka
Ginagamit ang isipan at lakas:
Sinisisid ang kailalim-laliman
Ng disyerto sa kaalaman;
Minsan akong natisod
sa sobrang kataasan,
Subali't, nakatitindig
Sa dilim ng kawalan.

Minsan akong kumain
Sa pinggang ginto ang kaligayahan
Subali't ang laman ay purong
Kamalian.
Hindi ko ginamit
Ang damit kong karunungan
At ako'y nabihag
Sa bitag ng kumunduhan.

Sinayang ko ang tagumpay
Na noo'y aking naranasan;
Hindi ako nagsikap
Datapuwa't kailangan,
Ang tupdin ang pangako:
Ang magtagumpay sa sariling
Pawis at dugo.

Ibig kong bumalik
Sa kahapong putik ang tangan;
Upang baguhin ang lahat
At nang hindi na manghihinayang…
Ngunit, katawan kong lupa
Hindi ko na mapapakinabangan!

Ang uod na nananalaytay
Sa mga ugat ng aking katawan;
Nararamdaman ang hapdi't
Pilit kong tinatakasan.
Ang dugong pinalitan
Ng mga sakim sa mundong laman
Inagaw sa akin
Ang tanging yaman kong napabayaan;
Datapuwa't ngayon ko kailangan
Subali't huli na...
At labis kong pinagdusahan.

Diyos ko!...Labis na ang lahat
Ng bagay sa mundo kong
Tinalikuran,
At hindi ko na kailangan...
Tama na ang lahat... tama na...
At ako'y masyado nang
Nahihirapan!
Ang abang tao mong binuhay
Bigyan ng katahimikan...
Tama na ang mga tinik
Sa ‘king landas na dinadaanan
Tama na po!... Tama na...





Ang Koronang Araw

Tataas ang sikat ng araw
At sa gabi'y masalimuot ang ulap;
May kagitingan ang panahon sa kalawakan.

Ang Himig…
Malambing na umaawit
Sa disyerto ng kabundukan;
Nakaputong ang koronang araw
Sa ulo ng gintong kawayan.

Ang Tinik…
Kamundihan sa busilak na silangan
Pataw ang krus sa daan ng kawalan.
Hagdang malalim ang kinasasadlakan
Ng mga propetang marumi ang damit
Sa karunungang hiram lamang.

Ang Laman…
Ang kalawakan ng sanlibutan:
Gintong birtud ng dilim
Na nakaukit sa hanging timog at kanluran.
Sino ang dapat sanang putungan
Ng makapangyarihang korona ng araw
Ang tao ba o ang kalawakan…bakit? 


KANDILI

May lilim ang sikat ng araw
Na umuusad sa takbo ng oras;
Minamatyagan ang bawat minuto
Na animo'y sinag na ginto:
Lahat ay naaayon sa ilaw na anyo!
Subalit, kandili mo'y huwad
Sa aking liwanag na hubad!

Kailan mo ba mamarapatin muli
Ang dating tingin sa araw
Kumbaga ay tambuli!
Hinihintay na hipan upang tumunog
Upang ipagsigawan ang hubad mong handog.
Dili baga'y iyo na ang ilaw?
O iyo pa rin ang liwanag?

Tingnan mo't nagkakamali ang hugis nito:
Dati-rati'y buwan lang ang gumaganito,
Pero bakit ngayon ano ba ang nangyari
Pati liwanag kong mainit ay nawawala.
Hindi ba'y ang kandili ay kasiya-siya?
O dikaya'y huwad na papel na kagaya nila.

Sagutin mo man ako't di ko marinig
Ang tahimik mong mundo'y wala nang init;
Subalit, wag mong kapain ang nag-iisang tinig
Na kahit sa dilim ay umaalimpuyong langit!
Ay ganito ba ang pagkakandili ng iyong bisig?
Puno ng pagkukunwari wala na akong naririnig.

Alin baga ang pagitan sa kanlungan
Na kapag dumilim hindi na maaambunan?
Alin baga ang pagitan sa isipan,
Ang puso bang hindi huwaran
O ang dilim sa kanluran?
Ang kandili mo'y di pa rin naiiba
Sa nag-iisang dibdib ng iyong ina!



Hilingin mo sa Diyos

Ang simulang tagumpay ng buhay mo,
ang nagsilbeng aral sa kapwa-tao;
Ang masidhing hangad na pagbabago
nasukliang lahat ng kalungkutan
Ngunit, inisip mong magsimulang muli
dahil sa buhay mo may araw at gabi...

Sa Diyos mo lang maihihiling
ang pagbabago ng lahat-lahat
ang lungkot mo'y 'wag damdamin
dahil ang saya'y dumarating
pilitin mong problema
ay nalulutas mo nang muli't-muli
ang hapis mo at pighati'y tutumbasan
ng saya't labing nakangiti.

Mga pangarap mong bagsak at guho-guho
ay nagsilbeng bato at krus ng buhay mo
ang matinding uhaw na pagbabago
ay inuming pait ng pagkasiphayo
Ngunit, balikat mong magsimulang muli
dahil sa mundo mo may saya at ngiti...

Mga pangako mong lubos ay bigung-bigo
ay nagsilbeng ilaw, asin at lagito
ang matinik na daan ng pagbabago
ay lansangang puno ng buhangin at bato
Ngunit, ginusto mong magsimulang muli
dahil sa langit mo may saya at ngiti...

Sa Diyos mo lang maihihiling
ang pagbabago ng lahat-lahat
ang lungkot mo'y 'wag damdamin
dahil ang saya'y dumarating
pilitin mong problema
ay nalulutas mo nang muli't-muli
ang hapis mo at pighati'y tutumbasan
ng saya't labing nakangiti. 


Ang Buhay ay isang Pagsubok Lamang


Ang pagsubok ng bawat nilalang
ay nakatala sa guhit ng palad;
May dilim at may liwanag
sa bawat pahina ng buhay
na ayon sa takbo ng panahon.

Buksan mo ang iyong isipan
at lakbayin mo ang buong mundo;
Isipin mong may katwiran na ang buhay
ay isang pagsubok lamang...

Ang problema ng bawat tao
ay nakasulat sa kaniyang kapalaran;
'wag magtaka at iyong linangin
sa oras kung ito'y dumarating
sa buhay na ayon sa takbo
ng pagkakataon.

Ang pag-ibig ng bawat nilalang
ay nakaukit sa puso ninuman;
ito'y kayamanan na di mapantayan
sa pagsubok ng kapalaran
sa buhay na ayon sa bugso
ng pagkakataon.

Buksan mo ang iyong isipan
at lakbayin mo ang buong mundo;
Isipin mong may katwiran na ang buhay
ay isang pagsubok lamang...